Martes, Hunyo 10, 2014

InstaLife - Celebrate Life


Sa modernong panahon ngayon hindi na natin maipagkakaila kung gaano na kaunlad ang ating henerasyon.  Ang mga bagay na noon ay dugo’t pawis ang puhunan bago mo makuha o magawa.  Ngayon sa tulong ng teknolohiya minuto na lang ang katapat. Minsan pa nga segundo lang. 

Pinaka sikat na halimbawa ay paggawa ng takdang aralin.  NOON:  kailangan mo pang sadyain sa mga bookshop ang mga librong kailangan mo at kapag wala ka namang kakayanang bumili siguradong ang takbo ay sa mga public library kung saan mano-mano  kang maghahanap ng sagot sa kailangan mo. NGAYON: i-type mo lang sa Google… 1.2.3. tadaaan!!! Ctrl+C – Ctrl+V – Ctrl+P = ASSIGNMENT/REPORT/PROJECT/THESIS/ETC.

At iyan ang tinatawag na “INSTANT”.

Pero mas sikat ang salitang ‘yan sa mga pagkain o inumin: instant coffee, instant tea, instant noodles, instant breakfast, instant kanin, pati na instant ulam mayroon na din at kung anu-ano pang instant na makakain.
Isa pa ay ang instant telegram/chat/messaging, kaya naman marami ang nagkakaroon ng mga instant friends. Pati nga mga instant photo patok na rin. NOON: kailangan mo pa bumili ng film para sa camera mo at take note very limited lang ang shots nun tapos kailangan mo pang ipa-develop. NGAYON: ilabas ang cellphone na may camera, anytime, anywhere, selfie here, selfie there, selfie everywhere sabay upload gamit ang free wifi ng kapitbahay, instant photo album.

Kung instant diploma, instant birth certificate, instant marriage certificate, o instant death certificate man yan at ano pa mang instant certificate o document ang kailangan mo punta ka lang sa R_C_O, maghintay ng ilang minuto, tapos ang problema mo.

Sikat na rin ang salitang ‘yan sa mga magkasintahan o magkakarelasyon. Instant bf/gf, instant love life ika nga, kaya tuloy ang kadalasang resulta ay instant baby kaya marami ang napapasubo at nagkakaroon ng instant family.

Nakakalungkot mang isipin pero ‘yan ang reyalidad ng buhay. Mayroong positibo at mayroon ding negatibo.
Minsan tuloy naisip ko, KAYA BA ANG BUHAY NG TAO AY INSTANT NA LANG DIN? 

Mga lugmok na pilit inilulugmok ang mga sarili dahil sa hapdi at sugat ng pagkadapa at maagang isinuko ang laban. Pero may ilan na pilit na bumabangon, apakan man, durugin man, nakatayo pa rin ang bandera, walang labang inuurungan, walang gerang inaatrasan. Matapos mapagtagumpayan ang laban titigil, hihinto, balik sa dati, balik sa umpisa. Paulit-ulit ang mga nangyayari. Gigising, kakain, mag-aaral, magtatrabaho, magpapahinga, matutulog, gigising, kakain, mag-aaral, magtatrabaho, magpapahinga, matutulog. Paulit-ulit, paulit-ulit. At pagkatapos ay ano? Hanggang kalian, hanggang saan?  Patuloy ka na lang bang mabubuhay ng ganiyan? Walang dahilan, walang patutunguhan? Nakakapagod ‘di ba?  Nakakasawa ba? 

Oo marahil ang sagot mo, ‘yan ay kung hindi mo alam ang dahilan kung bakit ka nabubuhay sa mundong ito. Kaya naman tanong ko: NAIS MO BA NG PAGBABAGO?



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento